Kontento si Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga ginagawa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa Pilipinas, nitong nakalipas na isang taon ng panunungkulan nito.
Kabilang sa mga ipinunto ni Zubiri ang pagbuti ng ekonomiya ng Pilipinas nitong nakalipas na taon, na unti-unti nang nakakabangon mula sa dagok ng pandemya.
Aniya, sa ngayon ay bumaba na ang inflation rate sa 6.1% mula sa dating 8%, at umaasa pa ang senador na mapapababa ito hanggang 4%.
Nakita rin aniya ang bahagyang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas, na batay sa datos ay tumaas ng 6.4 percent ang gross domestic product (GDP) ng Pilipinas ngayong first quarter ng 2023.
Binigyang diin rin ng senate president, na ngayong taon ay binansagan ang Pilipinas na ‘Darling of Southeast Asia’ kasama ng Indonesia, at maganda rin ang forecast ng mga ekonomista sa ating bansa.
Nagustuhan rin aniya ng senador ang pagiging masipag ni Pangulong Marcos, at ang pakikinig nito sa opinyon o suhestiyon sa iba’t ibang usapin. | ulat ni Nimfa Asuncion