Nakikita ni Senador Sherwin Gatchalian na makakaapekto sa suplay ng tubig, kuryente at pagkain ang umiiral na El Niño sa bansa.
Pangamba ni Gatchalian, maaaring magdulot ng inflation ang mga problemang ito.
Sa problema sa tubig, nakikita ng senador na pangmatagalang solusyon ang pagkakaroon ng bagong water source ng bansa lalo sa Metro Manila.
Kailangan rin aniyang pagalawin ang mga lokal na pamahalaan at mag-rasyon ng tubig sa apektadong mga residente.
Nagpaalala naman si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa mga water concessionaire na may obligasyon sila sa publiko na agad na tugunan ang kakapusan ng suplay ng tubig sa gitna ng nararanasang El Niño.
Iginiit ni Go, na kaya isinapribado ang mga kumpanya ng tubig ay para maibigay ang maayos na serbisyo sa publiko. Binigyang diin ng senador, na dapat tapatan ng mga water concessionaire ng magandang serbisyo ang maayos na pagbabayad ng mga consumer. | ulat ni Nimfa Asuncion