Binigyang diin ni Bataan Representative Geraldine Roman na hindi maaaring gamitin ang SOGIE Equality Bill para makaiwas sa pananagutan sa paglabag ng karapatan ng ibang tao at kawalan ng respeto sa mga sagradong bagay.
Ang pahayag ng mambabatas ay kaugnay sa magkakasunod na kontrobersyal na insidente na kinasangkutan ng ilan sa miyembro ng LGBTQ community.
Aniya, walang probisyon sa panukalang batas na ito na magpapawalang bisa sa mga kasalukuyang batas ukol sa physical injuries, alarm and scandal, disobedience to authority, direct assault o Article 133 ng Revised Penal Code patungkol sa offending religious feelings.
“For the information of everyone, hindi po maaring gamitin ang Sogie Equality Bill upang i-justify o ipawalang sala ang pilit na pagpapahubad ng ibang tao sa isang bar, ang violence, ang paglaban sa awtoridad o ang isang walang-galang na drag performance na lumalapastangan sa mga bagay na sagrado,” saad ni Roman sa isang social media statement.
Ang Sogie Equality Bill aniya ay simpleng anti discrimination bill na tanging layunin ay labanan ang diskriminasyon sa work place, learning institutions, at access sa government service, public spaces at accomodations.
Paalala pa nito sa mga miyembro ng LGBTQ community na ang pagkakamali ng isa lamang sa kanila ay magdudulot ng panghuhusga sa kanilang buong komunidad.
Punto pa nito na kailangan magpakita ng respeto sa kapwa upang masuklian din ito ng pagrespeto mula sa iba.
“…Always remember that each and everyone of us carries the rainbow flag so dapat let us always do good dahil kapag isang LGBT+ ang nagkamali sa lipunan buong komunidad ang hinuhusgahan. Let us not do our own community a disservice. Umayos tayo! We have everything to gain if we do good or even better,” dagdag ng kinatawan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes