Binigyang diin ng South Korea na nananatili ang kanilang commitment sa Pilipinas, partikular sa energy cooperation nito sa bansa.
Sa presentation of credentials ni South Korean Ambassador-designate Lee Sang-Hwa sa Malacanang, ngayong araw (July 10), partikular rin nitong binanggit ang interes ng kanilang bansa na suportahan ang energy generation ng Bataaan Nuclear Power Plant.
Ayon sa ambahador, una nang nagpresinta at nagsumite ng proposal ang kanilang bansa para sa posibilidad ng joint feasibility study nito.
Kaugnay nito, sinabi ng ambahador na umaasa rin sila sa patuloy na pag-angat at pagpapaigting pa ng strategic partnership ng dalawang bansa, kabilang na sa aspeto ng seguridad at depensa, trade and investment, at people to people exchanges.
Base sa impormasyon mula sa Presidential Communications Office (PCO) ang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at South Korea ay umabot na sa $15.44 billion US dollars para sa taong 2022.
Ang South Korea ay pang-apat sa pinakamalaking trading partner ng bansa. | ulat ni Racquel Bayan