Umaasa si AGRI party list Rep. Wilbert Lee na makatikim din ng taas sahod ang iba pang rehiyon sa bansa.
Kasunod ito ng pagbibigay papuri sa desisyon na dagdagan ng P40 ang minimum wage sa Metro Manila.
Dahil dito mula sa P570 na daily minimum wage rate ay magiging P610 na ang arawang sahod ng non-agricultural workers at P573 naman para sa mga agricultural workers sa Metro Manila.
Punto ng kinatawan na nananatili pa rin kasing mataas ang presyo ng bilihin.
“Sa panahon na mataas pa rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin, malaking tulong pa rin ang dagdag-sahod na ito lalo na para sa ating urban poor sa Metro Manila. Ang hiling natin ay sana magpatupad na rin ng minimum wage increase ang iba pang mga rehiyon sa lalong madaling panahon, lalo na sa mga lugar na maraming naghihirap” saad ni Lee.
Kasabay nito, binigyang diin din ng mambabatas ang kahalagahan na palakasin ang kapasidad ng business sector upang mapalago ang negosyo at makapagbukas ng dagdag na oportunidad para sa mga naghahanap ng trabaho.
“Kaya dito din tayo nakatutok, sa pagpasa ng mga panukala na lilikha ng trabaho at economic opportunities. All of us want our workers to have higher incomes because we know they need better wages to provide for their families. As government sets standards for compensation, it should at the same time provide the conditions to grow businesses and make them profitable so they can pay their workers properly.” dagdag ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes