Umaasa si Senate President Pro Tempore Loren Legarda na mapapanatili ng Pilipinas ang Tier 1 ranking nito pagdating sa paglaban sa human trafficking.
Base kasi sa pinakabagong edisyon ng Trafficking in Persons (TIP) report na inilabas ng US Department of State, kinilala ang Pilipinas bilang isa sa 30 mga bansa na may pinakamataas na rating.
Mula taong 2016 ay nasa Tier 1 placement na ang Pilipinas dahil naaabot ng ating bansa ang minimum standards sa pagsugpo sa human trafficking.
Pinuri at nagpasalamat si Legarda sa patuloy na pagtataguyod ng gobyerno ng mga programa at patakarang nagsasawata sa paglaganap ng human trafficking sa bansa.
Dapat aniyang tiyakin na matutuldukan na ang krimen na ito para wala na tayong kababayan na mabibiktima at maaabuso ng mga sindikato.
At para makatulong na masugpo ang human trafficking, kailangan aniyang patuloy na humanap ng mga paraan upang maibsan ang epekto ng kahirapan sa mga Pilipinong kapos-palad at mapaangat ang buhay ng bawat Pilipino. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion