Malapit nang makamit ng militar ang ‘total victory’ laban sa NPA.
Ito ang sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Enrico Ileto kasunod ng nutralisasyon ng secretary ng Northern Central Mindanao Regional Committee (NCMRC) na si Dionisio Micabalo a.k.a. Muling.
Binati naman ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang 4th Infantry Division sa matagumpay na operasyon nitong July 26 sa Gingoog City, Misamis Oriental na nagresulta sa pagkamatay ng naturang notoryus na lider ng teroristang komunista.
Sinabi naman ni 4th ID Commander Major General Jose Maria R Cuerpo II, na ang pagkamatay ni Micabalo ay magreresulta sa disintegrasyon ng mga kriminal na aktibidad ng NPA sa Northern Mindanao, kasabay ng pagpuri sa mga tropa ng 58 Infantry Battalion at 402nd Brigade sa kanilang accomplishment.
Ipinaliwanag ni AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar na ang lugar na sakop ng North Central Mindanao Regional Committee (NCRMC) na pinamumunuan ni Micabalo ang “withdrawal area” ng mga nalalabing NPA sa Davao at Caraga Region.
Sinabi ni Aguilar na parang nagunaw ang mundo ng NPA sa Mindanao sa pagkamatay ni Micabalo, at mas makabubuti sa nalalabi nilang miyembro na tanggapin na ang alok na kapayapaan ng pamahalaan. | ulat ni Leo Sarne