Inaresto ng Pasig City Police ang isang trabahador na nag-apply ng National Police Clearance kahapon sa Pasig City Police Station, C. Raymundo Ave., Barangay Caniogan, Pasig City.
Ito’y matapos na matuklasan ng mga pulis na mayroon itong outstanding warrant of arrest para sa kasong frustrated homicide na inisyu noong August 19, 2010, ng Regional Trial Court, Branch 201, Las Piñas City.
Sa ulat ni Pasig City Chief of Police, PCol. Celerino Sacro na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang arestadong akusado na si alyas “Rico”, 48, na residente ng Brgy. Bongawisan, San Francisco, Southern Leyte.
Pansamantalang naka-kulong ang akusado sa custodial facility ng istasyon habang naghihintay ng commitment order mula sa korte.
Binati ni Col. Sacro ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section, National Police Clearance System (NPCS) Section at 4th Mobile Force Company (MFC) ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa mabilis na aksyon laban sa mga wanted na kriminal, bilang pagsulong ng 5-focus Agenda ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. | ulat ni Leo Sarne