Tulong ng Kamara para sa mga taga-Baguio at Benguet na sinalanta ni Egay, sinimulan nang ipamahagi

Facebook
Twitter
LinkedIn

Personal na nagtungo ngayong hapon si House Speaker Martin Romualdez sa Baguio City upang pangunahan ang pamamahagi ng relief goods at tulong pinansyal sa mga residente doon na naapektuhan ng bagyong Egay.

Kabuuang ₱3 milyon, o tig-₱1-milyon ang natanggap na financial assistance nina Benguet Representative Eric Yap, Baguio Representative Mark Go at Baguio City Mayor Benjamin Magalong mula sa nalikom na pondo ng Office of the Speaker at Tingog Party-list.

Ayon sa House leader, nagbigay atas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking nakakarating ang tulong ng gobyerno sa lahat ng naapektuhan ng bagyong Egay.

Dagdag pa ni Romualdez na batid niya ang hirap na pinagdaraanan ngayon ng mga residente dahil noong 2013 ay hinagupit din sila ng Super Typhoon Yolanda.

“Pero alam ko pong malalampasan natin ang lahat ng paghihirap. Hindi kayo nag-iisa. Alam po ng buong bansa ang sitwasyon ninyo ngayon dito. Maliban sa pag-aalay ng dasal, lahat ay nagtutulong-tulong para makapag-abot ng ayuda sa lahat ng nasalanta ng bagyo. Huwag po kayong panghinaan ng loob. Narito ang gobyerno para umalalay sa inyo. Sama-sama at nagkakaisa, ibabangon namin kayo,” saad ni Romualdez.

Hanggang nitong Biyernes ng umaga umabot na sa ₱218.85-million ang nalikom na halaga ng relief goods at financial assistance ng tanggapan ng House Speaker.

Nasa ₱43.85-million ay mula sa kaniyang personal calamity fund habang ang ₱175-million ay ipapamahagi sa pamamagitan ng AICS program ng DSWD.

Tiwala naman si Romualdez na ang iba pang miyembro ng Kamara ay mag-aambag din ng tulong para sa mabilis na pagbangon ng mga biktima.

“Galing po ang pondo sa personal nating kontribusyon at umaasa tayo na tutulong din ang mga kasama nating miyembro sa House of Representatives para madagdagan pa ito. Maliit na kontribusyon ko po ito sa hangarin ng gobyerno na mabigyan ang mabilis na ayuda ang mga naapektuhan ng kalamidad,” dagdag ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us