Inanunsyo ng US airline company na United Airlines na magkakaroon na ito ng direct flights patungong Maynila simula sa ika-29 ng Oktubre.
Ayon sa kumpanya, araw-araw ang magiging flight ng airline company sa pagitan ng San Francisco International Airport sa California at Ninoy Aquino International Airport gamit ang Boeing 777-300ER aircraft na siyang pinakamalaking aircraft sa kanilang fleet.
Sinabi rin ng kumpanya na ang pag-expand ng kanilang mga ruta ay dahil na rin sa pagtaas ng demand dulot ng muling pagbubukas ng mga flight routes sa Asya.
Ito lang ang tanging US airline na nag-aalok ng non-stop flight patungong Pilipinas mula sa US mainland. Sa kasalukuyan ay mayroong flight ang United Airlines sa pagitan ng Maynila at Guam.
Kamakailan lamang ay nakapagtala ang Manila International Airport Authority ng pagtaas ng 78% sa passenger volume at flight movement sa first half ng 2023, kung saan aabot sa 22.2 milyon na domestic at international passengers ang tumapak sa NAIA. | ulat I Gab Humilde