Malugod na tinanggap ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang paghahayag ng interes ng American Investors na mamuhunan sa Security and Defense Industry ng Pilipinas.
Ito ay sa pakikipagpulong ng kalihim kasama si National Security Adviser Eduardo M. Año sa delegasyon ng US Business Executives for National Security (BENS), sa pangunguna ni BENS President at CEO Gen. Joseph L. Votel, U.S. Army (Ret) sa DND.
Ang US delegation ay sinamahan ni U.S. Ambassador to the Philippines, H.E. MaryKay L. Carlson sa DND para pag-usapan ang “investment opportunities” na susuporta sa national security objectives ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa pagpupulong, inilahad ni Secretary Teodoro ang tatlong investment priorities ng Defense Sector na kinabibilangan ng: pagpapatupad ng Philippine Self-Reliant Defense Posture (SRDP) Program; reorganisasyon ng Defense Department; at pagtatatag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Retirement Trust Fund.
Sinabi ni Teodoro, na malaking tulong ang US investments para mapalakas ang lokal na industriyang pangdepensa at pag-develop ng makabagong teknolohiya na magpapalakas sa kapabilidad ng bansa. | ulat ni Leo Sarne