Pinayuhan ng isang mambabatas ang pamahalaan na maging kalmado sa pagtugon sa planong imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) patungkol sa anti-illegal drug war na ipinatupad ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez, hayaan na lamang ang ICC na mag-imbestiga.
At oras may kasong ihain ay saka naman maaaring kuwestyonin ng Pilipinas ang hurisdiksyon ng ICC.
“The proper and only course of action of the Republic of the Philippines is to raise the issue of jurisdiction when the case is eventually filed in the ICC. Jurisdiction can be questioned at any stage of the proceedings”, ani Rodriguez.
Ayon sa Mindanao solon na dating law dean, tiyak na papaboran ng international tribunal ang apela ng Pilipinas na i-dismiss ang kaso dahil sa kawalan ng jurisdiction.
“When the case is brought to the ICC, we raise the issue of jurisdiction and the Philippines will surely secure its dismissal for lack of jurisdiction,” dagdag ng kinatawan.
Batay aniya sa dissenting opinion ng dalawa sa limang ICC judge sa petisyon ng bansa na ipatigil ang imbestigasyon, ipinunto ng mga ito hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas.
Katunayan dalawang taon na mula nang maging epektibo ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC nang aprubahan ang pagsasagawa ng imbestigasyon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes