Nadagdagan pa ang mambabatas sa Kamara na nais paimbestigahan ang P3 million na bagong PAGCOR logo design.
Ayon kay Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez sa pagbubukas ng sesyon sa susunod na linggo ay maghahain siya ng resolusyon para siyasatin ang isyu sa halaga, disenyo at pangangailangan sa bagong logo.
Para sa mambabatas, mas kaaya-aya sa paningin ang green at yellow trademark logo ng PAGCOR kung ikukumpara sa bagong disenyo na hawig ng isang oil company.
Nasasayangan din ang kinatawan sa P3 million na ginastos na maaari sanang makapagpatayo na ng tatlong classroom.
Bukod dito, imbes na logo, dapat ay pinagtutuunan na lamang aniya ng PAGCOR ang pakikipagtulungan sa mga otoridad para malinis ang iligal na pasugalan at mga POGO.
Tinukoy ni Rodriguez na hanggang nitong June 9, 2019, umabot sa 56 license ang inilabas ng PAGCOR sa mga POGO.
30 naman sa mga nag-o-operate sa bansa ay iligal.
Maliban pa sa pagdami ng kaso ng pamamaslang kidnapping, prostitution at iba pang krimen na kadalasan ay kinasasangkutan ng POGO. | ulat ni Kathleen Jean Forbes