Tuluyan nang isinara ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang malaking warehouse na nag-iimbak ng libo-libong sako ng harina sa Sgt. Rivera, Quezon City.
Resulta ito ng isinagawang simultaneous enforcement operation ng kawanihan sa Calamba Laguna, Naga City, at Quezon City.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., hindi rehistrado sa BIR ang warehouse at hindi rin nag-iisyu ng opisyal na resibo, patunay na paglabag sa National Internal Revenue Code (NIRC).
Bukod sa mga harina, nadiskubre din na nag-iimbak sa bodega ng mga sako-sakong refined sugar.
Wala pang ideya ang BIR kung magkano ang kabuuang halaga ng produkto sa warehouse, na pag-aari ng J Poon and Sons habang sumasailalim pa sa imbentaryo.
Pagtaya ni Commissioner Lumagui, aabot sa P2 billion ang tax liability ng mga may-ari ng establisyimento.
Tiniyak din nito, na makakasuhan sila ng BIR kapag napatunayan ang kanilang mga paglabag. | ulat ni Rey Ferrer