Muling nanawagan ang 1-Rider Party-list sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na irekonsidera ang kautusan na nagbabawal sa mga rider na sumilong sa footbridge at underpass kapag unuulan.
Sa isang privilege speech, sinabi ni 1-Rider Party-list Representative Bonifacio Bosita na mahina ang naiisip na solusyon ng MMDA para tugunan ang isyu sa pagsilong ng mga rider.
Una, obstruction pa rin ang pagpapahintulot ng MMDA sa mga rider na pansamantalang sumilong para magsuot ng kapote.
Delikado naman aniya para sa mga rider na walang kapote dahil papaspasan nila ang pagtakbo para makasilong sa mga gasolinahan.
At hindi naman aniya tama na ipasa sa mga gasolinahan ang pagiging silungan.
“…Ang mga riders po na papayagan nilang tumigil sa footbridge at underpass para magsuot ng kapote ay obstruction pa rin sa mga motorista… Itinutulak nila sa kapahamakan ang mga riders na walang kapote sapagkat bibilisan nila ang pagpapatakbo ng motorsiklo kapag naabutan sila ng ulan para sumilong sa gasolinahan,” pahayag ni Bosita.
Bilang isang civil engineer, mungkahi ni Bosita na ilaan ang ilalim ng hagdanan ng footbridge para sa mga sumisilong na rider.
Unaasa rin ang kinatawan na kikilos ang Metro Manila Council para tugunan ang isyu ng mga rider.
Paalala pa ni Bosita, na naghahanapbuhay lang din ang karamihan sa mga riders at isang makataong solusyon ang kanilang kailangan.
“Tumitigil at sumisilong ang kapatid nating riders sa ilalim ng footbridge at underpass…para maiwasan ang [magka] sakit at maipagpatuloy nila ang kanilang hanapbuhay para sa pamilya…hindi makatao ang ipinatutupad ng pamunuan ng MMDA…dahil sa halip na tugunan ang problema, ilalagay pa nila sa peligro ang buhay ng mga ito at kokolektahan pa nila ng malaking halaga ng multa,” dagdag ng kongresista. | ulat ni Kathleen Jean Forbes