Mahigit 32,000 pulis ang dineploy ng Philippine National Police (PNP) ngayong araw sa pagbubukas ng klase para masiguro ang seguridad sa mga paaralan.
Ayon kay PNP Chief Police General Acorda Jr., mayroon inilatag na 6,159 Police Assistance Desks sa mga stratehikong lugar sa bansa na handang tumugon sa pangangailangan ng mga estudyante, magulang, at mga guro sakaling may emergency.
Ayon pa sa PNP chief, nakaalerto sa ngayon ang hanay ng PNP para maiwasan ang mga krimen na maaring gawin ng mga mapagsamantala.
Kasunod nito, kanyang hinikayat ang lahat na makipag-ugnayan sa awtoridad at mag-report ng mga kahina-hinalang aktibidad.
Sa pamamagitan nito ay agad na makakaresponde ang PNP at matitiyak ang ligtas na pagbabalik-eskwela. | ulat ni Leo Sarne