Mabilis na nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 41 na mga pasahero at siyam na crew ng isang motorbanca matapos itong tumaob sa karagatan ng San Antonio, Northern Samar.
Sa inisyal na ulat na nakarating sa National Headquarters ng Philippine Coast Guard sa Manila, umalis ang MVCA Spirit sa bayan ng Victoria patungong San Vicente ng nasabing probinsya na sakay ang mga pasahero.
Habang naglalayag, nakaranas umano ng malalaking alon dulot ng habagat na naging dahilan para mawalan ng balanse at tuluyang tumaob ang bangka.
Nagkataon naman na may ilang mangingisda na malapit sa pinangyarihan ng insidente kung kayat agad tumawag ng rescuers.
Sa pagtutulungan ng mga rescuers mula sa MDRRMO ng San Antonio, Philippine Coast Guard at mga mangingisda ay nasagip ang mga pasahero at crew.
Apat sa mga nabanggit na pasahero ay mabilis dinala sa ospital dahil nakaranas ito ng ilang sugat at hirap sa paghinga. | ulat ni Michael Rogas
📸: PCG