May 500 dating violent extremists o combatants sa Sulo ang binigyan ng socio-economic aid ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Mismong si DSWD Undersecretary for Inclusive-Sustainable Peace and Special Concerns Alan Tanjusay, ang nanguna sa pamamahagi ng cash assistance at welfare goods sa isinagawang Peace Caravan sa Maimbung, Jolo.
Sila ang mga dating combatants na kusang sumuko at nagbalik-loob sa lipunan.
Binigyan sila ng tig P100,000 cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD, bukod pa rito ang family food packs at hygiene kits.
Ang iba pang ahensya ng gobyerno na lumahok sa Peace Caravan ay nagbigay din ng serbisyo sa mga benepisyaryo.
Nangako naman ng mga dating combatants na makipagtulungan sa DSWD sa ilang mga isyu, lalo na tungkol sa kanilang pagsuko at reintegration.
Ang inilunsad na Peace Caravan ay bahagi ng commitment ng DSWD sa implementasyon ng Executive Order No. 70 upang matulungan ang mga dating combatants at itaguyod ang inclusive at sustainable peace. | ulat ni Rey Ferrer