Nabigyan ng oryentasyon ng Overseas Workers Welfare Administration Region-9 (OWWA-9), sa pamamagitan ng OWWA-Zamboanga Sibugay Provinvcial Office, ang walong mga returning Overseas Filipino Workers (OFWs) tungkol sa”Balik Pinas! Balik Hanapbuhay!” (BPBH) livelihood program.
Ayon sa OWWA-Sibugay ang naturang mga returning OFWs ay nabigyan ng tamang oryentasyon tungkol sa financial literacy bago sila makapasok at magiging benepisyaryo ng BPBH livelihood program ng pamahalaan.
Layon ng oryentasyon na matulungan ang mga aplikante, at maihanda sa mapipili nilang livelihood project na inialok ng BPBH program ng OWWA.
Ang programa ay magbibigay ng livelihood support sa mga returning distressed OFWs na nakapagpasyang mananatili sa bansa at wala nang balak na mangibang-bansa.
Ang kwalipikadong benepisyaryo ng BPBH program ay ang mga na-displaced na OFWs dahil sa giyera, political conflicts, at policy reforms o pagbabago ng host governments.
Kalakip din ang mga biktima ng illegal recruitment at human trafficking, at ang pinauwi na mga OWWA-members bunga ng pagkalugi ng kanilang mga amo.
Ang oryentasyon ay ginanap ng OWWA sa Municipal Executive Building sa Barangay Taway sa bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay.| ulat ni Lesty Cubol| Zamboanga Sibugay