Nilinaw ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na hindi pagpapakitang pwersa laban sa China o alinmang bansa ang isinasagawang Alon 23 Military Exercise sa Palawan.
Sa naturang ehersisyo na bahagi ng Indo-Pacific Endeavour (IPE) ng Australia, nagsagawa kahapon ng Joint Air Assault Exercise ang Armed Forces of the Philippines at Australian Defense Force (ADF) kasama ang US Marine Corps (USMC) sa Punta Baja, Rizal, Palawan.
Dito’y naglunsad ng simulated take-over ang mga magkaalyadong pwersa mula sa barkong pandigma ng Australia ang HMAS Canberra gamit ang mga eroplano ng US Marines sa Punta Baja Airfield, na 100 kilometro lang ang layo mula sa Ayungin Shoal.
Ang HMAS Canberra ang isa sa mga barkong napaulat na kasama umano ng USS America ng US Navy at Japanese Helicopter Carrier JS Izumo na magsasagawa ng Joint Navy Drills sa West Philippine Sea (WPS) kasunod ng ginawang pambobomba ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas na patungo sa Ayungin Shoal.
Paliwanag ni Gen. Brawner, nagkasabay-sabay nga ang tatlong barko sa pagdating sa bansa, pero magkakahiwalay ang pakay ng mga ito.
Ayon kay Brawner, ang HMAS Canberra lang ang kalahok sa ALON 23 Exercise; habang nagsagawa ng port call at reprovisioning ang JS Izumo; at nakabantay lang ang USS America. | ulat ni Leo Sarne