Itinutulak ni Bicol Saro Party-list Rep. Brian Yamsuan na amyendahan ang 31-year old Price Act upang patawan ng mas mabigat na parusa ang hoarders at profiteers ng bigas at mais.
Ayon kay Yamsuan, dapat na makulong ng hanggang 40 taon ang mga lalabag dahil ang kanilang iligal na aksyon ay katumbas ng ‘economic sabotage’.
Sa ilalim na House Bill 7970, nais ng mambabatas na lumikha ng ‘Anti-Rice or Corn Hoarding and Profiteering Task Force’ sa bawat probinsya at munisipalidad upang regular na i-check ang inventory levels ng mga warehouse at stock house ng bigas at mais.
Giit ng party-list solon, kaya anya malakas ang loob ng mga sakim na mga negosyante na mag-imbak ng bigas at mais kahit sa panahon ng kahirapan ay dahil magaan ang parusang ipinapataw sa kanila sa ilalim ng batas.
Anya, kailangan nang amyendahan ang lumang batas para matiyak na ang parusa ay mananatiling katapat sa mga krimeng ginawa at kasama ang iba pang mga kilos at gawi na dapat ituring na iligal ngunit hindi saklaw ng lumang batas.
Ginawa ni Yamsuan ang pahayag matapos madiskubre ng fact-finding team ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez ang rice hoarding na ginagawa ng ilang warehouses sa Bulacan..
Sa ilalim ng batas, ang hoarding tuwing may sakuna at kalamidad o anumang emergency na idedeklara ng pangulo ng Pilipinas ay katumbas ng ‘economic sabotage’ na dapat ay may parusang reclusion perpetua, na may pagkakakulong ng 20 hanggang 40 taon at may eligibility for pardon matapos ang 30 taon. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes