Nagpahayag ng suporta ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), na tumatayong chair ng Inter-Agency Council on Violence Against Women and their Children (IAC-VAWC), sa inisyatibo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa proteksyon ng mga biktima ng karahasan at human trafficking.
Kasunod ito ng paglulunsad ng DILG Anti-Trafficking in Persons (TIP) at Anti-Violence against Women and their Children (VAWC) Resource Materials na magsisilbing gabay sa mga ahensya ng pamahalaan at LGUs para mapigilan ang human trafficking at VAWC.
Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, malaking hakbang ito upang matuldukan na ang mga kaso ng pang-aabuso at trafficking na madalas bumibiktima sa mga kabataan at mga kababaihan.
Sa panig naman ng DSWD, tiniyak nito ang patuloy na pagbibigay proteksyon sa vulnerable sector.
“The Department of Social Welfare and Development, as the chair of the Inter-Agency Council on Violence Against Women and their Children and co-chair of the Inter-Agency Council Against Trafficking, is one with you in protecting the most vulnerable sectors, particularly the victims of human trafficking and violence against women and children… Let us continue to create a community where women, children, and all Filipinos are safe.” | ulat ni Merry Ann Bastasa