Handa ang Kamara na bumuo ng panukala para mas maging madali ang government to government importation ng bigas.
Ito ang sinabi ni House Appropriations Committee Chair at Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co sa Department of Agriculture sa deliberasyon ng panukalang pondo ng ahensya.
Puna ng mambabatas, nangako mismo si DA Usec. Leocadio Sebastian na hindi na magkakaroon ng price surge sa bigas, ngunit nangyari pa rin.
Dapat kasi aniya habang mababa pa noon ang presyuhan ng imported na bigas ay nag-angkat na ang Pilipinas para sa mababang presyo rin ito naibenta sa mga merkado.
“We know it’s coming, that the price will go up to 60 pesos and we don’t want it to happen because this happened the last time during the administration, bumagsak yung rating [sic]. We don’t want it to happen and you assured us up to May. Sinabi mo imposibleng mangyayari yan,” sabi ni Co.
Paliwanag naman ni Sebastian dahil sa Rice Tariffication Law, ang pag-aangkat ng bigas ay hawak na ng pribadong sektor.
Katunayan, noong Abril ang pribadong sektor ay nakapagpasok na ng higit isang milyong metriko tonelada ng bigas.
Nagkaroon lang aniya talaga ng pagbabago ngayon dahil sa anunsyo ng India na export ban.
Payo naman ni Co kailangan ito hanapan ng solusyon lalo at pangako ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapababa ang presyo ng bigas ng hanggang P20.
Kung kinakailangan aniya ay magpapasa sila ng batas para mapahintulutan ang G-to-G negotiation gaya na lang ng pag-uusap sa pagitan ni House Speaker Martin Romualdez sa Vietnam.
“Pwede yan, kausap ni Speaker yung Speaker ng Vietnam, or sabihin sa Thailand, we can negotiate for a government to government. Kung kailangan ng batas na panibago, kasi sinasabi walang support.” ani Co. | ulat ni Kathleen Jean Forbes