Napanatili ng bagyong Goring ang lakas nito habang kumikilos pa-hilaga, hilagang-kanluran sa Philippine Sea, silangan ng Basco, Batanes.
Batay sa 11AM weather update ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 355 kilometers East Northeast ng Calayan, Cagayan; taglay nito ang lakas na hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa gitna at may pagbugso na 70 kilometers per hour.
Ayon sa PAGASA, inaasahang lalakas pa ang bagyo at magiging tropical storm mamayang gabi o bukas ng umaga. Posible rin itong umabot sa typhoon category sa Sabado.
Palalakasin din ng bagyong Goring ang Southwest Monsoon o habagat simula sa Linggo, at posibleng magdala ng mga pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Central at Southern Luzon.
Maaari ring magtaas ng tropical cyclone wind signal sa ilang lugar sa Northern Luzon at iba pang lugar sa bansa mamayang gabi o bukas.
Samantala, binabantayan din ng PAGASA ang habagat na magpapaulan sa ilang lugar sa Luzon kabilang ang Zambales, Metro Manila, Bataan, Occidental Mindoro sa mga susunod na araw.
Kaugnay nito ay pinaalalahanan naman ng PAGASA ang publiko na i-monitor ang lagay ng panahon sa kanilang lugar dahil sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa na dulot ng mga inaasahan pag-ulan. | ulat ni Diane Lear