Magtatalaga si Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda ng mga bagong opisyal na papalit sa mga pwestong binakante ng 18 matataas na opisyal na tinanggap ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang courtesy resignation.
Ayon sa PNP chief, hindi magkakaroon ng vacuum sa liderato ng PNP dahil sa pagkawala ng 18 opisyal dahil mayroong naka-linya na pumalit sa kanilang pwesto.
Nagpahayag naman ng pagtitiwala ang PNP chief na hindi makakaapekto sa morale ng mga tauhan ng PNP ang pag-alis sa serbisyo ng 18 matataas na opisyal dahil nauunawan ng karamihan sa kanilang hanay na ito ay bahagi ng paglilinis ng organisasyon.
Sinabi pa ng PNP chief na ang paghingi ng courtesy resignation ng mga 3rd level officers bunsod ng kontrobersiya sa ilegal na droga ay isang hamon na kusang-loob namang tinanggap ng mga opisyal.
Umaasa naman si Gen. Acorda na hindi na mauulit ang ganitong pangyayari, kasabay ng paalala sa lahat ng mga pulis na ipakita sa sambayanan na mapapagkatiwalaan ang PNP sa pamamagitan ng matapat at propesyonal na pagganap ng tungkulin. | ulat ni Leo Sarne