Patong-patong na kaso ang isinampa sa Office of the Ombudsman ng isang Barangay Kagawad laban sa Chairman at anim na kagawad ng Barangay Kaligayahan sa Novaliches, Quezon City.
Kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Falsification of Public Documents, at Grave Misconduct ang isinampa ni Kagawad Allan Butch Francisco Jr. laban kay Barangay Chairman Alfredo Roxas at mga kagawad na sina Jim Mahusay, Alexander Rivera, Perla Adea Mallari, Arnel Gabito, Dionisio Gascon, Sofronio Grimaldo, at Brgy. Secretary Josephine Peñarada.
Nag-ugat ang reklamo ni Francisco nang aprubahan ng konseho ng walang pagtutol ang Barangay Resolution No. 087, 2023.
May kaugnayan ito sa aplikasyon ng M.M.Ledesma Laboratories Corporation na matatagpuan sa Zabarte Extension sa nasabing barangay.
Sinabi ni Francisco, inaprubahan ang resolusyon nang hindi dumaan sa regular o special session ng barangay.
Taliwas diumano dito sa inilabas na certification ni Brgy. Secretary Peñarada na nagkaroon ng regular session noong April 15, 2023.
Nauna nang kinasuhan sa Ombudsman si Roxas dahil sa pagsibak naman sa isang BPSO personnel at pagwithdraw ng halos P100,000 sahod sa payroll nito para sa taong 2023. | ulat ni Rey Ferrer