Hinikayat ni Senate Committee on Ways and Means Chairperson Senador Sherwin Gatchalin ang gobyerno na tugunan ang problema sa bawal na kalakalan para makakolekta ng mas maraming buwis.
inihalimbawa ng senador ang datos mula sa Euromonitor na nagpapakita na ang mga ibinebentang sigarilyo mula sa illicit trade o ipinagbabawal na kalakalan ay tumaas mula 10.8% noong 2018 hanggang 16.7% noong 2022.
Inaasahang tataas pa ang numerong ito ngayong taon sa 18.5% o katumbas ng ₱30-bilyong piso.
Giit ni Gatchalian, imbes na magpataw ng mga bagong buwis ay dapat pagbutihin muna ng mga ahensyang nangongolekta ng buwis gaya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) ang tax administration dahil hindi magandang senyales ito para sa mga tumutupad sa kanilang obligasyon sa gobyerno.
Binigyang-diin din ng mambabatas na bagamat sinusuportahan niya ang layunin ng pagtaas ng koleksyon, ang gobyerno ay dapat magpatibay ng mga mekanismo na magbabawas, kung hindi man tuluyang hihinto, sa ipinagbabawal na kalakalan.
Iminungkahi ni Gatchalian na dapat kunin ng mga collecting agencies ang suporta ng iba’t ibang local government units (LGUS) sa pagsasagawa ng kampanya laban sa kalakalang ipinagbabawal ng pamahalaan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion