Umarangkada na rin ang anti-illegal drugs flagship program ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) sa lalawigan ng Southern Leyte.
Kasunod ito ng paglulunsad ng Provincial BIDA Grand Launching at BIDA Fun Run sa Maasin City na pinangunahan ni DILG Secretary Benhur Abalos at sinuportahan ng lahat ng provincial local chief executives at mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor.
Ayon sa DILG, higit 6,000 runners at advocates mula sa Southern Leyte ang nakilahok sa bida fun run at nagpahayag ng buong suporta sa adhikain ng administrasyong Marcos na tuldukan ang problema ng iligal na droga sa bansa.
Ipinunto naman ni DILG Sec. Abalos ang kahalagahan ng kolaborasyon ng LGUs, national government agencies, at iba pang sektor ng lipunan para maisulong ang malawakang kampanya kontra iligal na droga. | ulat ni Merry Ann Bastasa