Kahit nagsimula na ang klase, patuloy pa ring nadaragdagan ang bilang ng mga nag-eenroll para sa School Year 2023-2024.
Batay sa pinakahuling datos mula sa Learner Information System Quick Count ng Department of Education (DepEd), pumalo na sa 24,324,111 ang kabuuang bilang ng mga enrollee.
Nangunguna pa rin ang Region 4A o CALABARZON sa may pinakamaraming enrollees na nasa mahigit 3.6 milyon.
Sinundan naman ito ng Region 3 o Central Luzon na may mahigit 2.7 milyon at National Capital Region (NCR) na may mahigit 2.5 milyon.
Kasunod nito, iniulat din ng DepEd na tumataas na rin ang bilang ng mga nag-eenroll para sa Alternative Learning System o ALS na may 208,587.
Ang ALS ay ang sistema ng edukasyon para sa mga taong nais magsimula o ipagpatuloy ang naudlot nilang pag-aaral sa kabila ng kanilang edad. | ulat ni Jaymark Dagala