Umakyat na sa 22,381,555 ang bilang ng mga mag-aaral na nakapag-enroll na para sa School Year 2023-2024
Ito ay batay sa pinakahuling datos ng Department of Education (DepEd), isang araw bago ang pormal na pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan.
Ayon sa Learner Information System Quick Count: nangnguna pa rin ang Region 4A o CALABARZON na may 3,446,304; na sinundan naman ng Region III o Central Luzon na may 2,527,661; at National Capital Region (NCR) na may 2, 468,170.
Bukas, Agosto 29, nakatakdang pangunahan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang pagbubukas ng klase sa Lalawigan ng Cebu.
Unang pupuntahan ng Pangalawang Pangulo ang Kalaungan 1 Primary School sa Asturias gayundin sa Melecio Tito Elementary School sa Danao City. | ulat ni Jaymark Dagala