Asahan na patuloy pang tataas ang ilalaang budget ng pamahalaan sa Department of Agriculture (DA), sa mga susunod na taon ng Marcos Administration.
“For the past, siguro two decades, iyong agriculture sector po natin ay napakababa po ng funding and investment natin po diyan. So, I think this administration, tumataas po ang budget natin for the agriculture sector.” —Secretary Pangandaman.
Pahayag ito ni DBM Secretary Amenah Pangandaman nang tanungin kung bakit mas mataas ang 2024 proposed national budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kumpara sa pondo ng DA.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng kalihim na sa pagsisimula ng Marcos Administration, mayroong target ang pamahalaan na magpatupad ng standard increase na 5 to 6% ng GDP, ang infra budget ng bansa.
Nananatili lamang aniya silang consistent dito.
Kaugnay naman sa budget ng DA, ipinaliwanag ng kalihim na ngayong 2023 nasa 30% na ang itinaas sa budget ng DA.
Ibig sabihin, mataas na ang pinagbasehan para sa 2024 budget at dinagdagan pa ito ng 6% para sa susunod na taon. “If you will remember, DA and DAR, we increased already the budget of DA and DAR this year by 30%. So ang ibig sabihin po noon, nagsimula na tayo nang mataas iyong base natin for 2023; and then 2024, dinagdagan pa natin ng additional 6% so mataas na.” —Secretary Pangandaman. | ulat ni Racquel Bayan