Nag-aalok ng libreng gupit ang Caloocan City Government para sa mga estudyanteng magbabalik eskwela na bukas, August 29.
Nagsimula ang free haircut program ng LGU noong weekend para sa mga estudyante sa elementary at secondary school level sa lungsod.
Ayon kay Caloocan Mayor Along Malapitan, hangad ng ‘libreng gupit’ na mas ganahan ang mga estudyante na pumasok at simulan ang bagong school year.
Tatagal naman ang libreng gupit hanggang sa Biyernes, September 1 na mag-iikot pa sa iba pang mga eskwelahan sa lungsod sa mga susunod na araw.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Caloocan Mayor Malapitan na handang-handa na ang lungsod para sa pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral.
“Kamakailan lamang ay sinimulan na ang Brigada Eskwela sa iba’t ibang paaralan sa ating lungsod, at hanggang ngayon ay tuloy-tuloy din ang pagbibigay natin ng tulong sa programang ito. Inatasan na rin po natin ang kapulisan at iba pang mga public safety units na siguruhin ang kaligtasan at kaayusan sa pagbubukas ng klase sa Martes,” pahayag ni Mayor Along. | ulat ni Merry Ann Bastasa