Hinamon ng National Security Council (NSC) ang China na pangalanan at maglabas ng ebidensya na susuporta sa kanilang claim na umano’y nangako ang Pilipinas na aalisin ang BRP Siera Madre sa Ayungin Shoal.
Pahayag ito ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, kasunod ng paggamit ng water canon ng Chinese Coast Guard sa Philippine vessels na maghahatid lamang ng suplay sa barko.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ng opisyal na dahil ang China ang naglabas ng ganitong pahayag, dapat pangalanan nila kung sino ang kanilang nakausap, dahil posibleng hindi naman ito opisyal ng pamahalaan.
Lalo’t hindi aniya ang Marcos Administration o ang nagdaang administrasyon ang umano’y gumawa ng pangako sa China.
“They are the ones that are making this claim. Therefore, it is their responsibility to backup their claim. Sila iyong nagsasabi na may di umano kasunduan, so ilabas ninyo ‘yung kasunduang iyon para po mayroon tayong pinag-uusapan. Ang hirap kasi, iyong pinag-uusapan natin eh walang basehan ‘di ba?” — Spox Malaya.
Pagbibigay diin ng opisyal, kaya naman nasa Ayungin Shoal ang BRP Siera Madre ay dahil sinisimbulo nito na Pilipinas ang may hawak sa Ayungin Shoal. | ulat ni Racquel Bayan