Nanindigan ang pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang tinatanggap ang kanilang tauhan sa Binangonan Sub Station sa Rizal mula sa kapitan ng tumaob na MBCA Aya Express
Ito ang inihayag ni Coast Guard Spokesperson, RAdm. Armand Balilo matapos ihayag ng kapitan ng motorbanca na si Donald Anain sa pagdinig ng Senado na nagbibigay siya ng “padulas” sa mga tauhan ng PCG para payagang makapaglayag.
Ayon kay Balilo, walang katotohanan ang naging pahayag ni Anain dahil sa itinanggi na rin mismo nito ang pagbibigay umano ng alak sa mga tauhan ng Coast Guard.
Wala rin aniyang hinihingi ang kanilang mga tauhan sa Binangonan ng kahit ano mula kay Anain taliwas sa naging pahayag nito sa Senado.
Una rito’y inamin ni Anain na nagbibigay siya ng “pampangiti” para sa mga tauhan ng Coast Guard sa lugar kaya’t nagbibigay siya ng ₱100 na halaga ng saging at ₱50 para payagan silang makapaglayag.
Magugunitang isiniwalat ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang pag-amin din ni Anain na wala siyang lisensya para maglayag. | ulat ni Jaymark Dagala