Nagsimula na rin ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga tatakbo sa Barangay at SK Elections sa Quezon City ngayong araw.
Pagpatak ng alas-8 ng umaga, isa-isa nang pinapasok sa Amoranto Sports Complex na itinalagang filing venue ang mga kakandidato, bitbit ang kanilang mga dokumento.
May holding area sa labas kung saan sinusuri muna kung kumpleto ang kanilang mga ihahaing dokumento gaya ng COC habang sa loob naman ng Amoranto Arena ang Step 2-6 kung saan pormal na isinusumite ang mga dokumento at releasing ng notice para sa SOCE filing.
Isa sa maagang naghain ng kanyang COC ang reelectionist na si Barangay Chair Wilfredo Real na alas-5:30 pa lang ng umaga ay pumila para mabilis na matapos sa COC filing.
Maaga ring nag-file ang SK Chair aspirant na si Krizza Camarines na handa na raw sa hamon ng eleksyon. Naniniwala itong mahalaga ang papel ng aktibong pakikilahok ng mga kabataan maging sa gawaing politikal.
Bagamat matagal naman ang pila sa labas, mabilis lang ang proseso ng filing sa loob ng filing venue na inabot lang ng tatlo hanggang limang minuto.
Samantala, nagtungo rin si COMELEC Chair George Garcia sa Amoranto Sports Complex kaninang umaga para silipin ang ongoing na COC Filing.
Tatagal ang COC filing sa Amoranto Sports Complex hanggang September 2. | ulat ni Merry Ann Bastasa