Hihikayatin ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na alisin sa loob ng kanilang kampo ang mga communications tower ng China.
Ang tower na ito ay may kaugnayan sa telecommunications company na Dito, kung saan bahagi nito ay pagmamay-ari ng Chinese state-owned China Telecommunications Corp.
Pinangangambahan kasing magagamit sa pang-eespiya ng China sa Pilipinas ang mga tower na ito.
Sa isang panayam, pinahayag ni Zubiri ang pangamba sa mga communications tower kaya naman sa pagdinig ng panukalang 2024 budget ay kakausapin aniya niya ang liderato ng sandatahang lakas na alisin na ang mga ito.
Dinagdag rin ng senate president na isa pang dapat ikonsidera ang 40 percent ownership ng China sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Paliwanag ng senador, posible kasing sa isang pindot lang ng buton ay maaaring mawalan at makontrol ng China ang suplay kuryente ng Pilipinas.
Kaugnay nito, hihiling si Zubiri ng executive session sa lahat ng mga stakeholder para maisulong ang pagpapaalis ng mga kumpanyang pagmamay-ari ng gobyerno ng china na may kinalaman sa pagpapatakbo ng mga sensitibong industriya sa bansa.| ulat ni Nimfa Asuncion