Maari nang pakilusin ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang mga counter terrorism units laban sa armadong grupo ni Negros Oriental Cong. Arnolfo Teves Jr.
Ito ang sinabi ni AFP Visayas Command (Viscom) Commander Lt. Gen. Benedict Arevalo kaugnay ng pag-designate ng Anti-Terrorism Council sa mambabatas at sa kanyang armadong grupo bilang mga terorista.
Ayon kay Arevalo, bagama’t ang paghahabol sa armadong grupo ni Teves ay mas maituturing na Law Enforcement Operation na saklaw ng PNP, sumusuporta din ang mga tropa ng AFP sa mga operasyon ng pulis, partikular sa kampanya laban sa mga armadong grupo at loose firearms.
Paliwanag ni Arevalo, ngayong na-designate na terorista ang grupo ni Teves, maari nang gamitin ang “counter-terrorism model” sa pag tugis sa grupo.
Ang ibig aniyang sabihin nito ay itinuturing narin ng AFP ang grupo ni Teves na katulad ng mga teroristang komunista na hindi lang ganun kalakas. | ulat ni Leo Sarne