Nananatiling suspendido ang water interruptions ng Maynilad sa ilang bahagi ng Caloocan, Malabon, Manila, Navotas, Quezon City, at Valenzuela.
Ito ay kahit pa unti-unti nang bumababa ang lebel ng tubig sa Angat at Ipo Dam na pinagkukunan nito ng suplay.
Sa pinakahuling datos mula sa PAGASA Hydrometreology Division, bahagyang bumaba sa 198.12 meters ang lebel ng tubig sa Angat dam matapos mabawasan ng 16 na sentimetro.
Gayunman, mas mataas pa rin ito sa minimum operating level na 180 meters.
Ang Ipo Dam naman ay nabawasan din ng bahagya na ngayon ay nasa 100.06 meters.
Bukod dito, bumaba rin ang lebel ng tubig sa La Mesa dam, Ambuklao, at Caliraya Dam.
Patuloy naman ang paalala ng Maynilad sa mga customer nito na makiisa sa masinop na paggamit ng tubig lalo’t may umiiral pa ring El Niño na posibleng maging dahilan upang mabawasan ang mga pag-ulan sa dam. | ulat ni Merry Ann Bastasa