Naniniwala si Senador Alan Peter Cayetano, na pwedeng ikonsidera ng pamahalaan si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang backchannel negotiator ng Pilipinas sa China hinggil sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Kung kailangan aniya ng ating bansa ng isang taong makakayang makipag-usap sa pinakamataas na lebel ng Chinese Government ay maaaring ikonsidera si dating Pangulong Duterte, dahil tiwala na ang gobyerno ng China sa kanya at maging ang mga mamamayang Pilipino.
Maganda na rin aniya ang relasyon ni dating Pangulong Duterte kay Chinese President Xi Jinping at sa naging mga karanasan sa ilalim ng administrasyon ng dating presidente.
Ipinaliwanag naman ng senador, na dati nang naging kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), na iba ang backchannel negotiation sa day-to-day negotiation sa China.
Pagdating aniya sa day-to-day negotiation, ang itatalaga dito ay nakabase sa comfort at tiwala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Magandang choice rin aniya si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo para sa one-on-one talks sa Chief Diplomat ng China, dahil malaki rin ang respeto ng China sa kalihim.
Nilinaw naman ni Cayetano, na hindi niya ito mga rekomendasyon sa ngayon dahil ngayon pa lang magkakaroon ng briefing ang executive branch sa kanilang mga senador. | ulat ni Nimfa Asuncion