DBM, Civil Service Commission at Governance Commission for GOCC, pumirma ng kasunduan para sa night differential ng gov’t employees

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nilagdaan na ng Department of Budget and Management (DBM), Civil Service Commission (CSC), at Governance Commission for Government Owned or Controlled Corporations (GCG) ang Joint Circular kaugnay sa mga panuntunan sa pagbibigay ng night shift differential pay para sa mga kawani ng pamahalaan.

Nilalayon ng joint circular na matiyak ang iisang interpretasyon sa polisiya at epektibong pagpapairal ng  isinasaad ng Republic Act 11701 o “an act granting night shift differential pay to government employees including those in government-owned or -controlled corporations” at ang Implementing Rules and Regulations, o IRR nito.

Alinsunod sa RA 11701, makatatanggap ng kompensasyon ang mga kawani ng gobyerno na may posisyong Division Chief pababa.

Mula sa mga sangay ng ehekutibo, lehislatura at hudikatura gayundin sa State Universities and Colleges (SUCs), local government units (LGUs) at constitutional bodies, kabilang ang mga kawani sa GOCC na may orihinal na charter kahit ano pa ang status ng kanilang appointment, na may official working hours sa pagitan ng 6 PM at 6 AM ng susunod na araw.

Maging ang mga may posisyong executive o managerial na trabaho tulad ng officer-in-charge ay maaaring mabigyan ng night shift differential pay, kung tatapat ang oras ng kanilang duty ng 6 PM at 6 AM.

Gayunman, nilinaw na hindi sakop ng pagkakaloob ng night shift differential pay ang mga empleyado ng gobyerno na may regular working hours na 6 AM hanggang 6 PM.

Kasama na rito ang mga nasa serbisyo na obligadong 24-oras magtrabaho kabilang na ang military at uniformed personnel, pati na ang mga nagtatrabaho bilang job order, contract of service at mga kahalintulad nito.

Ayon sa IRR ng RA 11701, hindi hihigit ng 20-porsyento ng hourly basic rate ng empleyado ang ibibigay na night shift differential pay kung nagtrabaho sa pagitan ng 6 PM at 6 AM ng susunod na araw.

Ang mga public health worker naman ay tatanggap nang hindi bababa sa 10-porsiyento ng hourly basic rate bilang night shift differential pay.

Pinangunahan nina DBM Secretary Amenah Pangandaman, Civil Service Commission (CSC) Chairperson Karlo Alexi Nograles, at GCG Chairman retired Justice Alex Quiros sa DBM Central Office sa Maynila. | ulat ni Michael Rogas

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us