Hindi pa nagkakaroon ng pinal na desisyon ang Department of Education (DepEd) tungkol sa suhestiyong ibalik na sa Hunyo ang pagbubukas ng pasukan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education tungkol sa pagbubukas ng klase sa August 29, sinabi ni DepEd Assistant Secretary Francis Cesar Bringas, na sa ngayon ay nagsasagawa na ng pag-aaral ang external party tungkol sa pagbabalik sa Hunyo ng school opening, at kung paano ito gagawin.
Ipinaliwanag kasi ni Bringas, na kung gagawing dahan-dahan ang pagbabalik sa dating school calendar ay aabutin ng apat hanggang limang taon bago ito maibalik.
Kung gagawin naman aniya itong biglaan ay masasakripisyo ang bakasyon ng mga guro, at wala silang matatanggap na overtime pay dahil alinsunod sa konstitusyon ay service credits lang ang maibibigay sa kanila.
Sinabi naman ng PAGASA, na sa baogng academic calendar ay mas kaunting bagyo ang babagsak pero makakaranas naman ng matinding init ang mga estudyante sa isang bahagi ng school year.
Sa bagong academic calendar din, posibleng bumagsak ang graduation sa panahon ng tag-ulan.
Sa opinyon naman ni Senador Sherwin Gatchalian, mas gusto niyang ibalik sa dati ang school calendar dahil makakatulong ito sa personal growth ng mga esudyante. | ulat ni Nimfa Asuncion