Tiniyak ng Department of Education (DepEd) ang kaligtasan ng mga student-athlete na kalahok sa Palarong Pambansa 2023, na idinaraos sa Marikina City.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary at Palarong Pambansa 2023 Secretary General Francis Bringas, prayoridad nila ang kaligtasan ng mga student athlete.
Kasunod ito ng insidente na knock-out ang isang student boxer sa isang laban nitong Martes ng umaga at ani Bringas ay agad namang nabigyan ng atensyong medikal.
Dagdag pa ng opisyal, bagamat hindi maiiwasan ang ganitong insidente, maayos na natutugunan ng mga medical team na naka-deploy sa mga venue ng sports event, sakaling may mangyaring injuries o aksidente sa kasagsagan ng laro.
Samantala, ang Lokal na Pamahalaan ng Marikina ay nakipag-partner din sa 10 ospital sa lungsod upang magbigay ng libreng serbisyong medikal sa mga delegado ng Palaro.
Ang Palarong Pambasa 2023 ay nagsimula noong July 29 at tatagal hanggang sa August 5. | ulat ni Diane Lear