Kinatigan ni dating Press Secretary Trixie Cruz Angeles ang posisyon ng Taguig City na hindi kailangan ng Writ of Execution para iimplementa ang takeover ng Taguig sa EMBO barangays sa basehang hindi ejectment case ang kaso at malinaw ang desisyon ng Korte Suprema na turnover ang dapat na gawin ni Makati City Mayor Abby Binay.
Sa kanyang vlog post na Luminous ay hinimay ni Angeles ang usapin ng Turf War sa pagitan ng dalawang lungsod. Ipinaliwanag ni Angeles na isang abogado na kung titignan ang 53 pahinang desisyon ng Supreme Court sa nasabing kaso ay walang basehan ang argumento ni Binay na magkaroon muna ng transition period. Aniya, “stop exercising jurisdiction” ang malinaw na utos ng hukuman kaya turnover ng hurisdiksyon ang dapat na gawin ng alkalde.
Tinuring din ni Angeles na walang legal basis ang nakuhang opinyon ng Makati City mula sa Office of Court Administrator(OCA) na nagsasabing kailangan muna ng Writ of Execution.
“Opinyon lang ang inilabas ng OCA, ang pinanghahawakan ng Taguig ay malinaw na desisyon ng Supreme Court,” pahayag ni Angeles.
Paliwanag pa ni angeles na, ang Writ of Execution ay para sa ejectment cases. Inihalimbawa nito, ang pagkakaroon ng tenant sa isang property na gusto nang paalisin ng landlord, aniya kahit may desisyon ang korte ay kinakailangan pa ng Writ of Execution para mapaalis ang nakatira sa naturang property.
Ani Angeles, hindi ejectment case ang Taguig-Makati row. | ulat ni Lorenz Tanjoco