Muling iginiit ng Department of Foreign Affairs na bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas ang Ayungin Shoal matapos harangin at bombahan ng water cannon ng barko ng China Coast Guard ang barko ng Philippine Coast Guard.
Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na bahagi rin ng continental shelf ng bansa, alinsunod sa 1982 UNCLOS at 2016 Arbitral ruling ang nasabing teritoryo.
Inaasahan na dadalo ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs, Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines, at Department of National Defense sa isasagawang press briefing ngayong hapon.
Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala ang mga bansa tulad ng Estados Unidos, Canada, United Kingdom, Japan, at ang European Union hinggil sa nasabing insidente.
Mula 2020, aabot na sa 444 na diplomatic protests ang inihain ng Pilipinas laban sa mga iligal na aktibidad ng China sa West Philippine Sea, at 34 sa mga ito ang inihain ngayong taon. | ulat ni Gab Villegas