Nanawagan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na magbigay lamang ng tamang pasweldo sa kanilang mga empleyado.
Ito ang inihayag ng DOLE, makaraang maglabas ng Wage Advisory number 1 ang National Wages and Productivity Commission (NWPC), na nag-aatas sa mga employer na itama ang anumang wage distortion.
Magugunitang inaprubahan ng NWPC nitong Hulyo ang umento sa sweldo ng mga manggagawa, kung saan itinakda na sa P610 ang minimum wage sa National Capital Region (NCR).
Paalala ng kagawaran, kailangang sumunod ng mga employer sa inilabas na kautusan hinggil sa wage increase upang makasunod ito sa pangangailangan ng mga empleyado.
Ang pagtatama anila sa wage distortion ay makatutulong para mapanatili ang mataas na morale, at pagiging produktibo ng mga manggagawa. | ulat ni Jaymark Dagala