Wala ring kumukuha ng konsultasyon sa Department of Science and Technology (DOST) kaugnay sa mga ginagawang reclamation sa Manila Bay.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni DOST Secretary Renato Solidum, wala namang nagtatanong sa kanilang ahensya kung ano ang epekto ng ginagawang pagtatambak sa naturang karagatan.
Aminado si Solidum na may mga sapat na tauhan naman ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para mag-aral sa naturang proyekto.
Ngunit kung kukunin ang kanilang opinyon, handa naman daw ang DOST na magbigay para tumulong kung ano ang epekto ng reclamation sa kapaligiran.
Apela ng kalihim, dapat daw ay tiyakin ng mga contractor na matibay ang ginagawang pagtatambak dahil posibleng magkaroon ito ng masamang epekto sa mga susunod na taon.
Tinukoy niya ang magiging pundasyon ng mga tinambakan kung saan posibleng bumaba ang lupa kung hindi magiging maayos ang gagawin na pag-aaral. | ulat ni Michael Rogas