Nagpahayag ng pagkadismaya ang Defense Press Corps (DPC) sa hindi pagsasama ng Armed Forces of the Philippines ng lokal na media sa matagumpay na resupply mission sa Ayungin Shoal.
Ito’y matapos na makarating sa kaalaman ng DPC na may mga dayuhang mamamahayag na isinama umano sa resupply mission patungo sa BRP Sierra Madre kamakalawa.
Sa isang bukas na liham sa pamunuan ng AFP, sinabi ni DPC President Verlin Ruiz na sana man lang ay nakapagsama ng isa o dalawang representante ng lokal na media na “tunay na sinusubaybayan ng sambayanan kaugnay sa sigalot na kinakaharap ng Pilipinas sa bahagi ng West Philippine Sea partikular ang inaantabayanang resupply mission sa Ayungin Shoal.”
Ayon kay Ruiz, ito ay upang maiwasan din ang impresyon na mas pinapaboran ng AFP ang foreign media.
Mabilis namang tumugon si AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Enrico Gil. Ileto at sinabing “Well taken and noted ng AFP” ang sentimyento ng grupo, kasabay ng pagpapasalamat sa pagpaparating ng kanilang komento at feedback sa kinauukulan. | ulat ni Leo Sarne