Tuloy ang show cause order ng Land Transportation Office (LTO) sa motorista sa viral road rage video na kitang nanakit at nagkasa pa ng baril sa isang siklista malapit sa Welcome Rotonda noong Agosto 8.
Sa isang pahayag, sinabi ni LTO Chief Asec. Vigor Mendoza II na matapos ang kanilang inisyal na pagsisiyasat ay lumalabas na ang drayber ng kulay pulang sedan na sangkot sa insidente ay hindi ang rehistradong may-ari ng naturang sasakyan.
Dahil dito, ipatatawag sa LTO ang drayber pati na ang rehistradong may-ari ng KIA Rio na may plakang ULQ 802 sa darating na Augosto 31.
“Since the driver involved had already surrendered to the police, our records revealed that the person who appeared in a press briefing at Camp Karingal is not the registered owner of the vehicle,” ayon kay Mendoza.
Ayon sa LTO Chief, pagpapaliwanagin nito ang registered owner kung bakit iba ang nagmamaneho ng kanyang sasakyan.
“Pending the resolution of this case, I have already approved the recommendation to place this KIA Rio with license plate ULQ 802 to be placed under alarm effective immediately,” ani Mendoza.
Dagdag pa nito, bagamat sinasabing nagkaayos na ang motorista at siklita, hindi ito nagpapawalang-bisa sa mga posibleng violation na nagawa ng motorista, lalo na nakita sa video na sinaktan niya ang bike rider at kinasahan pa ng baril, at ang alegasyon na nagsimula ang komprontasyon ng pumasok ang minamanehong sasakyan ni Gonzales sa bicycle lane.
Kasama sa sinisilip ang posibleng paglabag ng motorista sa RA 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code partikular ang Section 20 (Improper Person to Operate a Vehicle) at Section 48 (Reckless Driving). | ulat ni Merry Ann Bastasa