Ikinatuwa ng Department of Social Welfare and Development ang resulta ng isinagawang survey ng Tugon Ng Masa na kinomisyon ng think tank OCTA Research.
Sa nasabing survey, nangunguna ang DSWD sa mga trusted at top performing government agencies para sa second quarter ngayong taon.
Base sa poll results survey na isinagawa mula Hulyo 22 hanggang 26, nakakuha ng 78 percent trust rating ang DSWD at Commission on Higher Education, sinundan ng Department of Health na may 77 percent; Department of Education, 75 percent; at Philippine National Police na may 74 percent.
Nagpasalamat naman sa publiko si DSWD Assistant Secretary Romel Lopez dahil sa kanilang pagtitiwala sa ahensya.
Nangunguna rin ang limang ahensya sa listahan ng 25 ahensya ng gobyerno sa mga tuntunin ng performance ratings, kung saan hindi bababa sa three-fourths ng 1,200 respondents ang nagsasabing sila ay nasiyahan sa kanilang performance.
Samantala, kabilang din sa mga top trusted government agencies ang DSWD sa isinagawang PAHAYAG 2023 second quarter survey na may 65 percent approval rating.
Ang PAHAYAG, ay isang independent at non-commissioned survey na isinagawa ng PUBLiCUS Asia Inc. | ulat ni Rey Ferrer