Tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, na nagpapatuloy ang kanilang pag-streamline sa mga opisyal ng ahensya upang mapagbuti pa ang serbisyo nito.
Ito ay matapos matanong ni Deputy Minority Leader France Castro kung ano ang tugon ng ahensya sa napakaraming undersecretary at assistant secretary nila.
Sa kasalukuyan, may 10 undersecretary at 20 assistant secretary ang DSWD.
Paliwanag ni Gatchalian sa mga ahensya ng gobyerno, ang DSWD ang isa sa pinakamalaking ahensya kung saan mayroong 34,000 empleyado.
Ito rin aniya ang ahensya na isa sa may pinakamalalaking maintenance and other operating expenses (MOOE), maliban pa sa iba’t ibang programang ipinapatupad.
Pero pagsiguro ni Gatchalian, na nasa proseso na sila ng pagsasaayos ng kanilang mga tauhan.
Mabilis matapos ang deliberasyon ng P207.36 billion proposed 2024 budget ng DSWD, bilang pagsunod sa tradisyonat pagkilala sa mga kalihim ng ahensya na dating nagsilbi bilang mambabatas.
Ito ay matapos pagbigyan ang minority na makapagtanong kay Gatchalian. | ulat ni Kathleen Forbes